--Ads--

CAUAYAN CITY- Mahigpit na ipinatutupad ng mga market staff ng Echague Public Market ang pagbabawal sa paninigarilyo sa loob ng pamilihan upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ramon Malana, Market Guard ng Pamilihang Bayan ng Echague, iginiit niyang direktiba sa kanila ang mahigpit na pagsunod sa mga alituntunin sa palengke, kabilang ang smoking ban.

Nilinaw niyang hindi ito laban sa mga naninigarilyo, kundi bahagi ng pagsusumikap na mapanatili ang kaligtasan ng mga mamimili at nagtitinda.

Giit ni Malana, may itinalagang lugar para sa paninigarilyo, at hindi kasama sa mga ito ang loob ng pamilihan.

--Ads--

Bukod sa smoking ban, binabantayan din ng mga awtoridad ang maayos na pagparada ng mga sasakyan. May takdang lugar ang bawat uri ng sasakyan tulad ng motorsiklo, tricycle, at mga four-wheeled vehicles upang maiwasan ang pagsisikip at abala sa palengke.

Ayon kay Malana, nananatiling tahimik at maayos ang operasyon ng pamilihan, at aktibong nakikiisa ang mga tindero at mamimili sa pagpapanatili ng kaayusan.