CAUAYAN CITY- Magsasagawa ng committee hearing ang mga lehistrador ng Lungsod ng Cauayan kaugnay ng kontrobersyal na operasyon ng ilang water refilling stations sa lungsod.
Ayon kay City Councilor Paulo Miko Delmendo, nakarating sa kanyang tanggapan ang ulat na may mga water refilling stations na nagpapasuri ng water sample sa Pangasinan para sa bacterial inspection, sa halip na gamitin ang laboratoryo ng lungsod na may kakayahang magsagawa ng ganitong pagsusuri.
Ipinunto ng konsehal na limitado lamang sa anim na oras ang bisa ng water sample para sa pagsusuri. Dahil dito, nangangamba siyang baka mas matagal ang biyahe patungong Pangasinan, lalo na kung may traffic, na posibleng makaapekto sa resulta ng pagsusuri.
Dahil sa naturang ulat, magpapatawag ng committee hearing ang Sangguniang Panlungsod upang hingin ang paliwanag ng mga water refilling station na umano’y sangkot, pati na rin ang mga ahensiyang may saklaw sa isyu.
Bagamat walang binanggit na partikular na pangalan ng establisyimento, iginiit ni Councilor Delmendo na mahalagang matiyak ang kaligtasan ng tubig na kinokonsumo ng mga Cauayeños, lalo na ng mga batang sensitibo sa kontaminasyon.











