--Ads--

Pansamantalang ipinagbawal ang paglalayag sa karagatang sakop ng Puerto Princesa City, Palawan matapos matukoy ang naturang karagatan bilang drop zone ng rocket launch ng China ngayong hapon ng Miyerkules, Hulyo 30, 2025.

Nakatakdang paliparin ng China ang kanilang Long March 8A mula sa Wenchang Space Launch Site sa Hainan.

Ang ilang bahagi ng rocket ay inaasahang babagsak sa natukoy na drop zone sa pagitan ng ika-3:41 hanggang ika-4:18 mamayang hapon, humigit-kumulang 120 nautical miles (Drop Zone 1) mula sa Puerto Princesa City, Palawan at 42 nautical miles (Drop Zone 2) mula Zamboanga City, Zamboanga Del Sur.

Nilinaw naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na hindi inaasahang babagsak sa lupa o sa kabahayan ang debris ng rocket subalit may dala pa rin itong panganib dahil maaari itong makapinsala ng mga sasakyang pandagat na dadaan sa naturang drop zone.

--Ads--

Nagbabala rin ang Philippine Space Agency na huwag kukunin o lalapitan ang mga makikitang rocket debris upang maiwasan ang panganib ng poisonous chemical na dala nito gaya na lamang ng rocket fuel.