--Ads--

Malaking tsunami ang tumama sa baybayin ng Far East Russia matapos ang Magnitude 8.8 na lindol na yumanig sa dagat malapit sa Kamchatka Peninsula ngayong Miyerkules.

Sa bayan ng Severo-Kurilsk, tinangay ng malalaking alon ang mga gusali at debris papunta sa dagat. Umabot sa apat na metro ang taas ng mga alon, na sumira sa pantalan at nilamon ang lokal na planta ng pangingisda. Inabot din ng tubig ang isang World War II monument na nasa 400 metro ang layo mula sa baybayin.

Agad na nailikas ang mga residente matapos itaas ang tsunami warning. Ayon kay Mayor Alexander Ovsyannikov may sapat na oras para sa evacuation kaya ligtas ang lahat ng mamamayan na ngayon ay nasa tsunami safety zones.

Sa kalapit na isla naman ng Shumshu, ang expedition group ng Russian Geographical Society ay nawalan ng kagamitan nang tangayin ng alon ang kanilang tent camp. Tumakbo sila sa mas mataas na lugar. Wala namang naiulat na nasaktan, ngunit tinangay ng tubig ang lahat ng kanilang gamit.

--Ads--

Dahil sa insidente, nagdeklara ng state of emergency ang rehiyon ng Sakhalin, kabilang ang Kuril Islands. Ayon sa mga eksperto, ito ang pinakamalakas na lindol sa lugar mula 1952, at posible pa ang mga kasunod na aftershocks at karagdagang tsunami waves.

Patuloy ang mahigpit na pagbabantay sa baybayin ng Russia at mga kalapit na bansa habang nananatiling banta ang posibleng karagdagang pagtaas ng tubig-dagat.