Pinangangambahan ng mga rice traders sa Rehiyon 2 na posibleng itigil nila ang pagbili ng palay kung patuloy silang pagbabantaan ng kaso ng economic sabotage dahil sa umano’y murang pagbili ng palay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Ernesto Subia, presidente ng Rice Millers Association sa Region 2, iginiit niyang hindi sila pabor sa P20 kada kilong bigas dahil hindi ito praktikal para sa pangkalahatang mamimili at hindi rin makatarungan para sa mga magsasaka.
Aniya, maaaring ipatupad ang P20 na bigas para lamang sa mga kabilang sa marginalized sector gaya ng mga benepisyaryo ng 4Ps. Iminumungkahi niya na sa halip na cash assistance, bigas na lamang ang ibigay sa mga ito.
Ngunit kung ipipilit ang P20 na bigas para sa general public, malaki ang magiging epekto nito sa buong rice value chain. Ayon kay Subia, labis ang gastos ng mga magsasaka sa produksyon ng palay, gaya ng binhi, pataba, irigasyon, at paggawa ngunit napakababa naman ng bentahan ng kanilang ani kung susundin ang itinakdang presyo ng gobyerno.
Dagdag pa ni Subia, ang mga rice traders ang susunod na maapektuhan. Sa kasalukuyan, nasa P18 ang market price ng dry palay. Kapag bumili sila sa P16, nanganganib silang masampahan ng kaso ng economic sabotage. Pero kung bibilhin naman ang palay sa P23 kada kilo, malulugi sila dahil kailangan pa rin nilang ibenta ito sa mas murang halaga upang makasabay sa presyong itinutulak ng gobyerno.
Aniya ito ang dahilan kung bakit walang rice trader ang maglalakas-loob na bumili ng palay sa presyong P20 pataas. Kung hindi sila bibili, paano na aniya ang mga magsasaka. Hindi naman umano kayang bilhin ng gobyerno ang lahat ng ani dahil 5 hanggang 10 porsyento lang ang kaya nilang sagutin.
Binigyang-diin niya na kung ipagpapatuloy ang bantang kaso sa mga bibili ng murang palay, posibleng matakot na lang ang mga traders at itigil na lang ang pagbili, na magdudulot ng pagbagsak ng bentahan sa lokal na merkado.
Upang mapanatiling mababa ang presyo ng bigas, mapipilitan ang ilan na bumili ng palay sa mas murang halaga na isang hakbang na magdudulot ng pagkalugi ng mga lokal na negosyo at tuluyang pagtamlay ng industriya ng palay.
Bukod dito, nagbababala rin si Subia na posibleng umasa na lamang ang bansa sa murang imported rice upang mapanatili ang artificial price na P20, na magpapahina sa lokal na produksyon at food security sa pangmatagalan.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang average production cost ng palay ay nasa P12 hanggang P15 kada kilo, depende sa lugar. Kapag idinagdag ang gastos sa paggiling, transportasyon, at packaging, umaabot ito ng P17 hanggang P20 kada kilo ng bigas, kung walang aberya sa panahon o pagtaas ng farm inputs.
Giit ni Subia, ang tunay na solusyon ay ang pagpapalakas ng buong sistema ng produksyon, kalakalan, at distribusyon, hindi ang sapilitang pagpapababa ng presyo na may matagalang pinsala sa sektor ng agrikultura.











