Humihiling ng mas malawak at mas ligtas na parking area ang mga testing centers sa Cauayan City kaugnay ng nalalapit na pagsusulit para sa Criminology at Civil Service Examination sa Agosto.
Matagal nang problema tuwing may pagsusulit sa lungsod ang kakulangan ng maayos na paradahan para sa mga sasakyan ng libu-libong mga kalahok.
Dahil dito, nagdudulot ito ng abala at stress sa mga exam takers, lalo na’t karamihan sa kanila ay mula sa labas ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Principal John Mina ng Cauayan City Standalone Senior High School, sinabi niyang maayos naman ang mga pasilidad para sa pagsusulit, ngunit kinakailangan ng mas ligtas na paradahan para sa mga sasakyan ng mga kukuha ng exam.
Ayon pa kay Principal Mina, marami sa mga examinee ay hindi taga-Cauayan at walang mapag-iiwanan ng sasakyan, kaya umaasa silang makikialam ang lokal na pamahalaan upang magtalaga ng maayos at ligtas na parking area.
Isa naman sa tinitingnan nilang pwedeng pagparadahan ay ang harap ng Cauayan City Hall.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 250 ang bilang ng kukuha ng Criminology Examination, habang higit 1,000 naman para sa Civil Service Examination.
Dagdag pa niya, dagdag-hirap ito para sa mga exam takers na bukod sa iniisip ang kanilang pagsusulit ay nangangamba rin kung ligtas ang kanilang sasakyan sa kalsada.











