--Ads--

‎Nakaalerto ang hanay ng Coast Guard District Northeastern Luzon sa karagatang nasasakupan nito dahil sa banta ng tsunami.

‎Ito ay matapos itaas ang tsunami warning sa ilang lugar sa bansa mataps ang magnitude 8.7 na lindol na yumanig sa bansang Russia.

‎Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coast Guard Ensign Ryan Joe Arellano, tagapagsalita ng Coast Guard Northeastern Luzon, sinabi niya na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga Local Disaster Risk Reduction and Management Offices at mga Barangay Officials upang magabantay sa kalagayan ng karagatan at upang paalalahanan ang publiko na huwag munang pumalaot o magtungo malapit sa baybayin.

‎Tiniyak naman ng kanilang hanay na naabisuhan ang mga residente partikular ang mga nasa coastal town at nabigyan na rin ng direktiba ang mga ito na lumikas o magtungo sa mataas na lugar upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

--Ads--

‎Handa namang tumulong ang hanay ng coast guard sa mga residente na nangangailangang lumikas.

Muli naman niyang pinaalalahanan ang mga residente na mag-ingat at iwasan muna ang magtungo sa mga karagatan dahil sa banta ng tsunami sa ilang lugar sa bansa upang maiwasan ang mga hindi kanai-nais na insidente.

SAMANTALA Agad na inabisuhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Palanan, Isabela ang mga residente sa mga baybaying barangay ng bayan dahil sa banta ng tsunami, kasunod ng malakas na lindol sa Russian Far East.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LDRRM Assistant John Bert Neri, sinabi niyang agad nilang inalerto ang mga residente ng Barangay Culasi, na direktang nakaharap sa Palanan Bay.

Bilang bahagi ng pag-iingat, agad na sinuspinde ang klase sa mga paaralan at pinayagang makauwi ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan sa apat na coastal barangay upang matiyak ang kanilang kaligtasan sakaling maapektuhan ng tsunami. Hindi kasama sa suspensyon ang mga paaralan at tanggapan sa mga lugar na nasa mataas na bahagi ng bayan.

Bagama’t walang isinagawang preemptive evacuation, 24/7 na binabantayan ng MDRRMO ang lagay ng karagatan upang agad na makapagbigay ng babala kung kinakailangan.

Ayon sa kanilang monitoring, nakapagtala lamang sila ng maliliit at sunud-sunod na alon na posibleng bahagi ng tsunami na umabot sa kanilang lugar. Wala silang naitalang malalaking along gaya ng sa ibang bansang apektado, tulad ng Japan.

Malaki ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan na hindi naging malala ang epekto ng tsunami sa kanilang bayan, dahil kung mas malalaki ang alon, mas marami sanang lugar ang nalagay sa panganib.

Samantala, ilang sasakyang pandagat, kabilang na ang mga cargo vessel na patungong Dilasag, Aurora, ang pansamantalang hindi pinayagang bumiyahe dahil sa No Sail Policy na ipinatupad ng Philippine Coast Guard.

Ngayong araw ay balik-normal na ang klase at trabaho matapos maging epektibo lamang kahapon ang tsunami warning.