--Ads--

Magsasampa ng kaso ang pamilya ni Ralphy Mabbayad, laban sa kanyang bayaw na si Alejandro Dela Cruz Jr., matapos ang insidente ng pananaksak sa Barangay San Bernardo, Cabagan, Isabela noong gabi ng July 30, 2025.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Merwin Villanueva, Chief of Police ng Cabagan Police Station, sinabi niya na naganap ang insidente bandang alas-8:30 ng gabi habang nag-iinuman ang dalawa sa likod ng kanilang bahay.

Pagpasok sa loob ng bahay, nagkaroon ng komosyon matapos makita ng biktima na may hawak na kutsilyo ang suspek.

Nang tangkaing pakalmahin ito, sinaksak si Mabbayad ng isang beses sa tiyan.

--Ads--

Isinugod pa ang biktima sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.

Matapos ang insidente, boluntaryong sumuko si Dela Cruz sa barangay chairman ng San Bernardo at itinurn-over sa mga awtoridad ng Cabagan Police Station.

Ayon sa pamilya ng biktima, kanila nang inihahanda ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa suspek.

Batay sa pakikipag-usap ng pulisya sa suspek, sinabi nito na self defense lamang ang kanyang ginawa dahil maaring siya ang saktan ng kanyang bayaw sa pagkakataong iyon.

Nagsisisi naman aniya ang suspek ngunit kinakailangan na nitong harapin ang mga kasong isasampa laban sa kanya.