--Ads--

CAUAYAN CITY- Nakatakdang sampahan ng kasong civil at criminal ngayong Linggo ang drayber ng truck na tubong Tabuk City, Kalinga, matapos itong iturong dahilan ng pagbagsak ng bagong bukas na Cabagan-Sta. Maria Bridge noong Pebrero.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, tapos na ang kanilang technical investigation sa insidente. Inirekomenda ng ahensya ang pagsasampa ng kaso hindi lamang sa drayber kundi pati sa mga kontraktor at designer ng tulay.

Kung matatandaan na noong Pebrero ay binuksan sa publiko ang Cabagan-Sta. Maria Bridge subalit hindi pa inabot ng buwan ng masira ito.

Ilang dump truck na may kargang mga bato ang sinasabing dumaan sa tulay kahit na ipinagbabawal talaga ito sa mga mabibigat na sasakyan.

--Ads--

natukoy na isa sa mga ito ay may bigat na 89.63 metriko tonelada, halos doble ng pinapahintulutang 45 tonelada alinsunod sa Republic Act 8794.

Dahil sa hindi akma na bigat ng truck na may kargang boulders ay bumigay ang isang span ng tulay na ikinasugat ng anim na katao kabilang ang isang bata at apat na sasakyan ang nasira.

Ang nasabing tulay ay pinondohan ng mahigit ₱1.2 bilyon at binuksan lamang para sa mga maliliit na sasakyan. Hindi ito idinisenyo para sa mabibigat na kargamento gaya ng dala ng naturang trak.

Ang pagsasampa ng kaso ay bahagi ng accountability measures ng DPWH upang mapanagot ang mga posibleng responsable sa insidente, kabilang ang paglabag sa itinakdang limitasyon ng tulay.