Balik-normal na ang sitwasyon ngayon sa Estados Unidos matapos ibaba ang tsunami alert sa naturang bansa.
Matatandaan na nitong ika-30 ng Hulyo ay nag-isyu ang maraming bansa ng tsunami warning matapos ang malakas na pagyanig sa bahagi ng Russia.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual, nakahinga na ng maluwag ang publiko at laking pasasalamat nila dahil hindi malala ang naranasang tsunami waves hindi gaya ng inaasahan.
Gayunpaman, pinapayuhan pa rin ang publiko na umiwas sa karagatan pangunahin na sa Hawaii dahil inaasahan pa rin ang mga malalaking daluyong sa karagatan.
Aniya, ang US partikular ang Oregon ay bahagi ng Cascadia Subduction Zone kaya hindi maiiwasan na makaranas sila ng maraming lindol na maaaring mag-trigger ng tsunami.
Dahil dito ay patuloy na nakaalerto ang mga awtoridad upang umantabay sa sitwasyon ng karagatan at matiyak ang kaligtasan ng publiko.











