Nagsagawa ng bloodletting activity ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City na ginanap sa FL Dy Coliseum.
Ang naturang aktibidad ay inilunsad ng Liga ng mga Barangay sa pangunguna ni Kapitan Victor Dy Jr., na siya ring Punong Barangay ng San Fermin. Isa itong taunang programa na layong himukin ang publiko na mag-donate ng dugo upang makatulong sa mga nangangailangan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kapitan Dy, sinabi niyang dalawang beses kada taon isinasagawa ang blood letting activity sa lungsod bilang bahagi ng inisyatiba ng Liga ng mga Barangay, katuwang ang Red Cross Isabela, at suportado ng lokal na pamahalaan.
Ayon pa sa kanya, naging matagumpay ang aktibidad dahil sa dami ng mga residenteng boluntaryong nag-donate ng dugo.
Inaasahan na sa susunod na taon ay muling isasagawa ang programa at posible na itong ilunsad sa iba’t ibang barangay upang mas maraming residente ang makibahagi.











