--Ads--

Nanawagan ang grupo ng mga magsasaka sa Pamahalaan na bawasan ang pag-import ng bigas at taasan ang taripa ng mga ito upang mapataas ang presyo ng palay sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chairman of the Board Leonardo Montemayor ng Federation of Free Farners, sinabi niya na batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumagsak na sa 6 pesos per kilo ang average na presyo ng palay.

Ito ay 31% na pagbaba sa price level ng palay kung ikukumpara sa nakaraang taon.

Batay sa kanilang pagtaya, sa unang anim na buwan ng 2025 ay pumalo na sa 54 Billion pesos ang nawalang kita ng mga magsasaka na bunga umano ng walang patid na rice importation ng pamahalaan kung saan napakababa ng taripag ipinapataw sa mga bigas na pumapasok sa bansa.

--Ads--

Ayon kay Montemayor, kinakailangang itigil o bawasan ng pamahalaan ang pag-aangkat at ibalik sa dating 35% ang taripa ng mga imported rice.

Mali aniyang isisi lahat sa mga mapagsamantalang traders ang pagbagsak ng presyo ng palay sa bansa dahil may pananagutan din dito ang pamahalaan.

Kailangan ding pag-aralan ng maigi ng pamahalaan ang pagpapatupad ng 20 pesos na bigas dahil kapag naging malawakan ito ay baka mas lalong bumaba ang bili sa palay ng mga magsasaka.

Pinangangambahan naman nila na baka hindi na magtanim ng palay ang mga magsasaka kung magpapatuloy ang ganitong sistema.