Malugod na tinanggap ng House Committee on Public Accounts ang kahandaan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na tumayong resource person sa nalalapit na pagdinig kaugnay ng mga umano’y maanomalyang infrastructure projects sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rep. Terry Ridon, sinabi niyang personal na dadalo si Mayor Magalong sa imbestigasyon upang isiwalat ang mga personalidad na umano’y tumatanggap ng kickback, kabilang na ang ilang mambabatas at opisyal ng mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Ridon, igagalang ng komite ang mga alegasyon ngunit kinakailangan pa ring maghain ng mga pangalan at ebidensya alinsunod sa tamang proseso.
“Wala naman dapat ikabahala. Igagalang natin ang mga alegasyon, pero kailangang may pangalan at ebidensya,” ani Ridon.
Umaasa rin siya na mapapanindigan ni Mayor Magalong ang anumang isisiwalat na impormasyon. Kung mapapatunayan ang mga anomalya, maaari itong humantong sa pagsasampa ng mga kasong administratibo at kriminal.
Tiwala si Ridon na ang gagawing imbestigasyon ay hindi makaaapekto sa tiwala ng publiko sa Kamara.










