--Ads--

Bahagyang bumaba ang naitalang voter’s turnout ng Commission on Elections (COMELEC) Region 2 sa unang araw ng voter registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Atty. Jerbee Cortez ng COMELEC Region 2, sinabi niyang umabot lamang sa 3,500 ang bilang ng mga regular registrant at 1,500 para sa SK elections sa buong Region 2. Ayon sa kanya, ang lungsod ng Santiago ang may pinakamataas na bilang ng mga rehistrado at siyang may pinakamalaking bahagdan ng kabuuang botante sa rehiyon.

Aniya, nakadepende ang turnout sa laki ng bawat munisipalidad. Ngunit kung paghahatiin ang kabuuang bilang sa 93 munisipalidad ng rehiyon, lumalabas na nasa 54 rehistrado lamang kada bayan ang naitala sa unang araw, na itinuturing nilang mababa.

Inaasahan ng COMELEC Region 2 na dadami pa ang magpaparehistro sa mga susunod na araw dahil sa limitadong 10-araw na itinakdang registration period.

--Ads--

Kung hindi umano ma-accommodate ang lahat ng nais magparehistro, posible aniyang muling magkaroon ng extension kung kinakailangan.

Nilinaw rin ni Atty. Cortez na kung sakaling mapalawig ang termino ng mga kasalukuyang opisyal ng BSKE, hindi ito makakaapekto sa isinasagawang preparasyon ng COMELEC. Itutuloy pa rin ang 10-araw na registration period sa buong bansa hangga’t walang inilalabas na bagong kautusan mula sa COMELEC en banc.

Sa ngayon, nananatiling hamon pa rin ang mahabang pila ng mga nagpaparehistro sa ilang lugar, dahilan kung bakit umaabot ng ilang oras ang proseso para sa ilang botante. Gayunman, wala namang naitalang aberya sa unang araw ng registration.