--Ads--

Pinag-aaralan na ngayon ang pagtatalaga ng mas maayos na paradahan sa paligid ng Private Market sa Cauayan City, bilang tugon sa matagal nang problema sa masikip na daloy ng trapiko na dulot ng magulong paradahan ng mga miyembro ng TODA at talamak na double parking.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na upang matugunan ang problema, ipinatatayo na ang isang maluwag at maayos na parking space sa nasabing pribadong pamilihan.

Layunin ng proyekto na alisin ang lahat ng road obstruction sa paligid ng palengke sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang malaking terminal.

Ayon sa kanya, kasalukuyan nang isinasagawa ang konstruksiyon ng terminal na inaasahang mabilisan ang pagsasaayos. Ito ay matatagpuan malapit sa isang mall sa lugar upang agad ding mailipat ang mga tricycle TODA na kasalukuyang namamasada sa paligid ng Primark.

--Ads--

Dagdag niya, ang bagong terminal ay adjacent sa mga pangunahing establisyemento gaya ng tanggapan ng BFP at BJMP, kaya’t ito ay magiging accessible para sa mga tsuper at pasahero.

Nilinaw rin ni Mallillin na ang mga namamasadang tricycle na may dating terminal ay dapat sumunod sa point-to-point system sa paghahatid ng pasahero, at obserbahan ang pila-pila system, dahil may iba ring TODA na awtorisadong pumila sa naturang lugar.

Ang bagong paradahan ay libre lamang gamitin sa loob ng lima hanggang sampung minuto, subalit kung lalagpas sa itinakdang oras ay kailangang magbayad ng parking fee ang mga mamimili at pribadong motorista.

Ipagbabawal din ang overnight parking sa bagong terminal. Aniya, oras na mahuli ng POSD ang mga sasakyang nakaparada ng magdamag, ay agad itong ihihilahin.

Inaasahan din na sa lalong madaling panahon ay sisimulan na ang clearing operations sa mga kalsadang nakapaligid sa Primark upang maayos na magamit ang mga ito bilang two-way traffic imbes na one-way.

Posible rin aniyang simulan na ang pagbibigay ng violation tickets sa mga motoristang patuloy na lumalabag sa batas-trapiko, lalo na sa double parking. Ang multa para sa 1st offense ay ₱500, ₱1,000 para sa 2nd offense, at towing na ang parusa sa ikatlong paglabag.