Bumaba ang bilang ng naitalang road crash incidents sa Lungsod ng Cauayan, batay sa talaan ng Cauayan City Police Station.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Pancho Cortez, Assistant Operations Officer, sinabi niya na mula sa 35% noong unang buwan ng ikalawang kwarter ng taon ay bumaba ito sa 15% ngayong unang buwan ng ikatlong kwarter.
Itinuturing niya itong magandang senyales na naging epektibo ang pinaigting na police visibility sa lungsod. Aniya, tuwing nakakakita ng mga pulis ang mga motorista, mas nagiging maingat ang mga ito, sumusunod sa speed limit, at naiiwasan ang mga paglabag sa batas-trapiko.
Kabilang sa mga pangunahing violation na naitatala ay ang pagmamaneho habang lasing at hindi pagsusuot ng helmet.
Dagdag pa ni Cortez, tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang information drive at pagpapaalala sa mga motorista tungkol sa batas-trapiko at kaligtasan sa daan upang maiwasan ang aksidente.
Katuwang rin nila ang i-SMART, isang grupong awtorisado ng Land Transportation Office (LTO) na magbigay ng ticket sa mga lumalabag sa batas. Sa pamamagitan nito, mas napipigilan ang paglabas ng mga pasaway na motorista kaya’t bumababa rin ang insidente ng aksidente sa kalsada.
Nilinaw niya na ang kanilang mga paalala ay hindi lamang para sa kapakanan ng PNP, kundi para sa kaligtasan ng lahat ng residente ng lungsod.
Aniya, dapat isaisip ng bawat motorista na sa tuwing sila ay bumabagtas sa kalsada, may mga pamilyang naghihintay sa kanilang ligtas na pag-uwi.











