Wasak ang ilang bahagi ng isang pick-up truck matapos itong bumangga sa poste ng ilaw sa gilid ng pambansang lansangan na nasasakupan ng barangay District 2 sa Lungsod ng Cauayan.
Batay sa mga nakasaksi sa pangyayari, apat umano ang sakay ng naturang pick-up at binabagtas nito ang national highway patungong hilagang direksyon nang bumangga ito sa konkretong poste ng ilaw ng kuryente.
Sa lakas ng impact ay naputol ang nabanggit na poste at nagpaikot-ikot umano ang sasakyan dahilan upang magtamo ito ng matinding pinsala.
Maayos naman umano ang kalagayan ng mga lulan ng pick-up. Bagaman may ambulansiya na rumesponde sa lugar ay pinili na lamang ng mga biktima na magpasundo sa kanilang mga kaanak at umuwi na lamang sa kanilang mga tahanan.
Nagtungo ang Bombo News Team sa Cauayan City Police Station para sa karagdanag impormasyon subalit hindi umano naiulat ang naturang insidente sa kanilang tanggapan.











