--Ads--

Mas pinatindi ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbabantay sa hilagang bahagi ng bansa matapos mamataan ang isang Chinese research vessel malapit sa Babuyan Islands, sa lalawigan ng Cagayan.

Ayon sa PCG, nakita nila ang barkong Xiang Yang Hong 05, isang Chinese research vessel na naglalayag sa layong 37 nautical miles mula sa baybayin ng Sta. Ana, malapit sa isla ng Calayan, na bahagi ng Babuyan Group of Islands.

Kaagad na nagpadala ang PCG ng isang aircraft noong Sabado upang magsagawa ng maritime domain awareness (MDA) mission sa lugar. Sa kanilang ulat, sinubukan ng aircraft na makipag-ugnayan sa nasabing barko sa pamamagitan ng radio challenge, subalit hindi ito tumugon.

Batay sa tala ng PCG, ang Xiang Yang Hong 05 ay umalis mula sa Guangdong Province, China noong Hunyo 5, at pumasok sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas noong Hunyo 7. Umalis ito noong Hunyo 9, ngunit muling namataan sa loob ng EEZ noong Hulyo 31.

--Ads--

Sa kanilang historical track, lumalabas na ang nasabing barko ay nagsagawa ng malawakang marine scientific research sa loob ng 22 araw habang wala ito sa loob ng EEZ ng Pilipinas. Ang pagbabalik nito ay nagdulot ng pangamba, lalo na’t malapit ito sa Babuyan Islands, isa sa mga pangunahing isla sa hilagang bahagi ng bansa na may sensitibong lokasyon sa pagitan ng Luzon at Taiwan.

Binanggit din ng PCG na ang Xiang Yang Hong 05 ay isang bagong bahagi ng fleet ng China, at dating cargo vessel na kinonvert para sa research operations. Ayon sa PCG, may kasaysayan ang Xiang Yang Hong series ng pagsuporta sa mga operasyon ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ng China mula pa noong dekada ’70 at ’80.