Maayos na naibalik ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) Isabela sa may-ari ang isang abandonadong SUV na natagpuan sa isang carwash sa Brgy. San Felipe, Ilagan City.
Ayon kay PMaj. Rey Sales ng PNP-HPG Isabela sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, isinailalim muna sa beripikasyon ang sasakyan upang matukoy kung sangkot ito sa anumang krimen.
Batay sa may-ari mula Bulacan, isinanla niya ang SUV sa isang Indian national tatlong buwan na ang nakalipas, ngunit hindi niya alam na ang naturang tao ay sangkot sa mga kasong estafa. Nang bawiin na ang sasakyan, nalaman niyang isinangla rin ito sa iba at kalauna’y iniwan na lang sa San Felipe.
Hinala ng HPG, iniwan ang SUV nang malaman na nakaalarma ito at nai-report na sa mga himpilan ng pulisya.
Posible rin umanong may kaugnayan ito sa modus ng “rent-tangay”, kung saan nirentahan ang sasakyan at hindi na ibinalik, kundi ibinenta sa iba. Isang lalaki ang nakita sa CCTV na iniwan ang sasakyan, ngunit hindi malinaw ang kuha.
Paalala ng PNP-HPG na magsagawa ng masusing beripikasyon bago bumili ng second-hand na sasakyan, at agad i-report sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang sasakyan.











