--Ads--

Bagamat tinanggap ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang ang mga kasong isinampa laban sa kanya, naglabas ng babala ang kanyang kampo ukol sa umano’y kahina-hinalang testimonya ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan alyas Totoy.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Gabriel Villareal, bukas si Ang sa pagharap sa mga kaso at tinitingnan ito bilang pagkakataon upang ipagtanggol ang sarili laban sa mga paratang at espekulasyon sa legal na proseso.

Subalit sinabi ni Villareal na kaduda-duda ang testimonya ni Patidongan, na aniya ay puno ng butas, makasarili, at kulang sa matibay na batayan.

Kinuwestiyon din niya ang timing ng umano’y pagbubunyag ni Patidongan.

--Ads--

Ayon pa kay Villareal, matagal nang bahagi ng organisasyon ni Ang si Patidongan at unti-unti itong nakaakyat sa mga sensitibo at matataas na posisyon. Sa kabila nito, inilarawan niya si Patidongan bilang bihasang manipulator na ginagamit ang kanyang posisyon upang alisin ang sinumang maituturing niyang banta sa sarili niyang impluwensya.

Iginiit pa ni Villareal na ginamit umano ni Patidongan ang koneksyon at mga resources ng organisasyon upang makapagtayo ng sarili nitong iligal na operasyon, kabilang ang sugal, kidnapping, pangingikil, at pananakot na hindi alam ni Ang.

Dagdag pa niya, matapos masangkot si Patidongan sa pagkawala ng isang kakompetensya sa sabong sa Maynila noong nakaraang taon, sinubukan umano nitong ibaling ang sisi sa kanyang mga dating superior upang makaiwas sa pananagutan.

Tinawag ng kampo ni Ang na imbento ang kwento ni Patidongan at iginiit na malapit nang mabunyag ang tunay na motibo sa likod ng kanyang mga paratang.