Dapat palakasin ng Pilipinas ang lokal na industriya nito upang mayroon itong bala sa pakikipag-negosasyon sa Estados Unidos pagdating sa usapin ng taripa.
Ito ay matapos patawan ng US ng mas mababang taripa ang ilang mga bansa sa Asya kung ikukumpara sa 19% tariff na inimpose ng naturang bansa sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Executive Director Sonny Africa ng IBON Foundation, sinabi niya na magiging problema ito para sa bansa dahil hindi na pwedeng makipag-kompetensiya ang produkto ng Pilipinas sa produkto ng ilang mga bansa na may mas mababang taripa.
Kailangan aniyang tiyakin ng pamahalaan na ang mga produkto nitong ibinibenta sa ibang bansa ay dekalidad, efficient at competitive upang makasabay ang produkto ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado.
Para maisakatuparan ito ay kinakailangan lamang mas palakasin ng pamahalaan ang suporta nito sa sektor ng agrikultura at lokal na industriya.











