Kailangang lumikha ng trabaho ang pamahalaan upang tuluyang maiwaksi ang kahirapan sa bansa.
Ito ang pahayag ng isang Economic Think Tank sa inilabas na resulta ng survey ng Social Weather Survey (SWS) kung saan bumaba sa 49% ang bilang ng pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap.
Mas mababa ito ng isang bahagdan mula sa dating 50% noong buwan ng Abril 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, sinabi niya na hindi sapat ang band-aid solution gaya ng pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap.
Ito ay panandalian lamang kaya dapat mag-isip ang pamahalaan ng kongkreto at pangmatagalang solusyon upang matuldukan ang naturang isyu.
Bagaman maraming Pilipino ang nakikinabang sa ayuda programs ng pamahalaan ay nakakapagtaka pa rin aniya dahil sa ilang taong pagbibigay ng ayuda ay marami pa ring Pilipino ang naghihirap.
Isa sa mga solusyon na naiisip nito ay ang pagpapaunlad ng agrikultura at lokal na industriya na isang hakbang upang makapag-bigay ng magandang trabaho sa mga Pilipino.











