Mariing itinanggi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ang kumakalat na alegasyon sa social media na mayroong anim na mambabatas ang nakakuha ng P800 bilyong halaga ng flood control projects.
Sa briefing ng DPWH sa House Committee on Public Accounts ay binigyang diin ni Bonoan na isang malaking kalokohan at walang batayan ang naturang paratang.
Bunsod nito ay iginiit ni House Senior Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez ng Quezon na hindi papayagan ng Kongreso na sirain ng maling impormasyon ang tiwala ng publiko sa mga institusyon.
Dagdag pa ni Suarez, seryoso ang Kamara sa pagharap sa isyu, lalo na’t bahagi ito ng tungkulin nilang bantayan ang paggastos sa imprastraktura bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address.











