Handa nang magbigay ng demand letter ang lokal na pamahalaan ng Cauayan sa pribadong pamilihan sa lungsod matapos lumobo ang real property tax nito sa mahigit P65 Million.
Tinalakay ito ng City Council kasama ang iba’t-ibang departamento tulad na lamang ng Legal Office, City Planning, Business Permit and Licensing Office, Treasury Office, at iba pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paulo Eleazar Delmendo, sinabi niya na simula nang mag operate ang pamilihan ay hindi na ito nagbabayad kaya lumobo na ang tax nito ngayon.
Nakikipag-ugnayan naman aniya sila sa management ng pamilihan subalit hindi pa sila dumadalo sa ano mang committee hearing na ginagawa ng council.
Aniya, hindi biro ang laki ng tax na hindi nababayaran ng Primark at malaking tulong umano sana ito sa lokal na pamahalaan.
Napag-alaman kasi aniya na simula noong nag operate amg pamilihan hanggang noong October 2024 ay umabot na sa mahigit 65M pesos ang tax nito, ngunit dahil sa tax amnesty, posibleng mapababa naman ang babayaran kung ibibigay na ito ng buo.
Bibigyan na lamang ng 15-araw ang management ng pamilihan upang makapagbayad at kung hindi nito mababayaran ang tax ay gagawa na ng hakbang ang pamahalaan para mabawi ang private market at muli itong gagawing public market.
Iginiit pa aniya ng management na hindi nila kinakailangang magbayad ng tax dahil parte ito ng kasunduan ng LGU at Primark.
Giit naman ng lokal na pamahalaan, walang naging kasunduan ang LGU at management ng pamilihan ukol sa tax exception
Samantala, hindi lamang ang hindi nababayarang tax ang tinalakay kundi ang kalinisan, pagbabayad ng garbage collector, kawalan ng sapat na ilaw, baradong canal, sirang CCTV, at iba pa.
Ayon pa kay SP Member Delmendo, dumami na ang reklamong kanilang nataganggap lalo na ang isyu sa pagbaha at baradong drainage canal.
Aniya, panibago na naman itong violation sa hanay ng primark at kanila itong pag-aaralan.
Natuklasan din ng BPLO na nabigo ang Primark na makapagrenew ng kanilang business permit.











