--Ads--

Pasado na ang hirit na ‘free franchise renewal’ ng mga namamasadang tricycle driver sa lungsod ng Cauayan matapos itong maipasa sa 3rd and last reading ng mga lokal na mambabatas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Mayor Benjamin “Benjie” Dy III, nilinaw niya na tanging ang mga dati nang namamasada ang malilibre.

Makakatipid naman aniya ng malaking halaga ang mga namamasadang motorista.

Sa ngayon aniya ay mayroong 5,500 na tricycle drivers sa lungsod kaya ito lang din ang bilang ng malilibre ng prangkisa.

--Ads--

Ang naturang ordinansa naman ay pinag-aralan umano nila upang makatulong sa mga motorista  dahil na rin sa epekto ng taas-babang presyo ng gasolina.

Aniya, matagal na itong idinudulog sa konseho maging ang pagtaas ng regular fare o pamasahe sa lungsod subalit tanging ang libreng renewal pa lamang ang kanyang naabutan na naipasa sa kanyang pag-upo sa pwesto.

Ikinatuwa naman ng mga namamasadang tricycle drivers ang magandang balita subalit mas maganda pa umano kung mapataas ng bahagya ang pamasahe upang hindi sila malugi sa pamamasada.

Giit naman ng ilang drivers, ngayong araw ay magkakaroon muli ng oil price hike at inaasahang tatalakayin muli ito ng Sangguniang Panglungsod.