--Ads--

Sa gitna ng mga ulat ng pang-aabuso sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), nanawagan si Senador Erwin Tulfo nitong Linggo na tuluyan nang alisin ang programa at palitan ito ng pagbibigay ng puhunan sa mga benepisyaryo para sa kanilang kabuhayan.

Ayon kay Tulfo, mismong mga miyembro ng 4Ps ang nagsabi sa kanya ng ganitong sentimyento noong siya’y kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong 2022.

“Masakit para sa kanila na tawagin silang pabigat, tamad, at walang ambag sa bansa,” ani Tulfo, na inilarawan ang buwanang ayuda bilang tila “pamamalimos.”

Dagdag pa niya, “Kung bibigyan natin sila ng puhunan, maaari nilang simulan ang sariling negosyo at makatulong sa ekonomiya. Puwede silang magtayo ng sari-sari store, karinderya, o magbenta online.”

--Ads--

Binanggit ng senador na ang pagbibigay ng kabuhayan ay posibleng solusyon sa mga isyung bumabalot sa 4Ps.

Isa ito sa mga pangunahing punto na balak niyang talakayin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at DSWD Secretary Rex Gatchalian sa kanilang nalalapit na pagpupulong.

Tinukoy din ni Tulfo ang kawalan ng patas na sistema, kung saan ang mga mabababang sahod na manggagawa gaya ng gwardya, janitor, at kasambahay ay hindi kwalipikado sa 4Ps kahit kapos din sa panggastos.

Ipinahayag ni Tulfo ang kanyang hangaring pag-usapan ang implementasyon ng Republic Act No. 11310 ang batas na nag-institusyonalisa sa 4Ps para sa posibleng pag-amyenda. Isa sa mga mungkahi ng DSWD ay ang pag-alis ng pitong taong limitasyon sa pagtanggap ng ayuda.

Iminungkahi din niya ang Entrepreneurship program para sa mga low-income households, social interventions para sa mga nakatatanda, institutionalization ng mga umiiral na programa ng DSWD gaya ng Sustainable Livelihood Program at Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS).