Iginiit ni House Deputy Minority Leader at ML party-list Rep. Leila de Lima na hindi dapat buwagin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kasunod ng mungkahi ni Sen. Erwin Tulfo na palitan ito ng tulong pangkabuhayan.
Bilang isa sa mga may-akda ng Republic Act 11310 na nag-institutionalize sa 4Ps, sinabi ni De Lima na ang programa ay hindi limos kundi isang shared responsibility sa pagitan ng gobyerno at ng mga pamilyang Pilipino.
“Hindi palamunin ang mga benepisyaryo ng 4Ps. May mga kundisyon ito—tulad ng pagpapanatili ng edukasyon ng mga anak at pagdalo sa family development sessions—bago matanggap ang ayuda,” ani De Lima.
Aminado siyang may mga pagkukulang at pang-aabuso, ngunit giit niya, ang solusyon ay mas mahusay na targeting, monitoring, at support systems, hindi ang pag-abandona sa milyun-milyong umaasa sa programa.
“Mahigit 1.5 milyong pamilya na ang nakaahon sa kahirapan sa ilalim ng 4Ps, ayon sa SONA ng Pangulo. Hindi ito kabiguan, kundi tagumpay na dapat ipagpatuloy,” dagdag niya.
Matatandaan na isinusulong ni De Lima ang House Bill 1434 para palawakin ang 4Ps, kabilang ang adult education, livelihood training, employment facilitation, at entrepreneurship development.
“Ang sagot ay mas maayos na targeting, monitoring, at support systems—hindi ang pag-abandona sa milyun-milyong pamilya na umaasa sa programang ito para mabuhay at makabangon,” dagdag ng kongresista.










