--Ads--

Nagpapasalamat ang grupo ng mga magsasaka sa Kagawaran ng Pagsasaka sa naging pahayag ng ahensya na bawasan ang rice imports ng bansa at itaas muli ang taripa ng mga imported rice.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi niya sobra-sobra na ang pumapasok na bigas sa bansa dahilan upang bumagsak ang presyo ng palay sa bansa.

Batay sa ulat ng Philippine Statistic Authority, ngayong taon ay umabot sa 6 pesos sa kada kilo ng palay ang lugi ng mga magsasaka.

Dahil dito ay welcome development sa grupo ang rekomendasyon ng DA ngunit umaasa si Montemayor na madaliin ng pamahalaan ang pag-restore sa tariff rate upang maibalik ito sa dating 35% ang taripa sa imported rice bago mag-recess ang kongreso sa Oktubre.

--Ads--

Sa ilalim ng Republic Act No. 8800 o Safeguard Measures Act, may kapangyarihan ang kalihim ng DA na dagdagan ang tariff rates habang ang Pangulo naman ay may kakayahan din aniyang mag-impose ng import restrictions sa ilalim ng Agricultural Tariffication Act upang hindi na mahirapan ang mga magsasaka.

Maaari aniya na idaan sa naturang mga batas ang pagbababa ng taripa upang agad itong maging epektibo.

Samantala, pabor naman ang Federation of Free Farmers sa Senate Joint Resolution na inihain nina Senators Risa Hontiveros at Francis “Kiko” Pangilinan na naglalayong bawiin ang tariff power ni Pangulong Bongbong Marcos sa ilalim ng Section 1608 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at ibalik sa Kongreso ang kapangyarihang magtakda ng taripa sa imported na bigas.

Layon din ng resolusyon na iurong ang Executive Order (EO) No. 62 na nagbaba sa rice import duties sa 15% mula 35% noong Hunyo 2024.