--Ads--

CAUAYAN CITY- Maghahain ng petisyon ang City Agriculture Office na nakatakdang ipadala sa Malacañang, Senado, Kongreso, Department of Agriculture, National Food Authority, at iba pang ahensya upang magkaroon ng makatarungang presyo ng palay sa buong Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculturist ng Cauayan, aniya, layunin ng petisyon na hilingin ang makatarungang floor price ng palay sa bansa.

Dapat aniyang taasan ng mga private traders ang floor price ng palay at gawin itong Php 16-18 ang kada kilo ng sariwa habang Php 21-23 naman kada kilo sa dry.

Pangalawang hinihiling ng ahensya ay ang buy-back program kung saan mismong NFA at LGU na ang bibili ng palay ng mga magsasaka sa makatarungang presyo.

--Ads--

Bilang tulong na rin sa mga magsasaka, kasama sa petisyon ang kahilingang magkaroon ng pasilidad sa post-harvest gaya ng mechanical dryers, bodega at rice mills upang mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka at maibebenta na nila sa mas mataas na halaga ang kanilang ani.

Ayon pa kay Engr. Alonzo, hinihiling pa niya at ng mga magsasaka ang tulong pinansyal at pautang na walang interes sa mga magsasaka lalo na sa mga walang kakayahang mag loan sa bangko.

Upang lubos na matulungan ang mga magsasaka, idinagdag pa ang kahilingan na dapat ding palakasin ang mga kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka at bigyan sila ng direktang access sa institutional buyers at dapat aniyang amyendahan ang Rice Tariffication Law.

Sa ngayon ay marami na rin aniyang mga magsasaka ang sumang-ayon sa petisyon at mahigit 200 na ang pumirma.

Makikipag-ugnayan din ang ahensya sa mga barangay upang malaman kung sino sinong mga magsasaka ang piperma pa sa naturang petisyon.

Paglilinaw pa ni Engr. Alonzo, hindi sapilitan ang pag perma sa petisyon, tanging ang mga nagnanais lamang aniya na tumaas ang presyo ang palay at mabigyan ng sapat na tulong ang mga magsasaka.

Sa ngayon kasi aniya ay nasa P13 pesos na ang presyo kada kilo ng sariwang palay, bagaman tumaas ito mula sa dating P9 noong nakalipas na buwan, maituturing pa rin aniya na hindi makatarungan ang presyo nito.

Ayon pa sakanya, dahil sa inisyatiba ng Cauayan City Agriculture Office ay plano na ring mag petisyon ng ilang mga Municipal Agriculture Office upang matulungan ang mga magsasaka.