Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pansamantalang pagpapahinto sa lahat ng pag-aangkat ng bigas sa loob ng 60 araw simula Setyembre 1, 2025, ayon sa Malacañang nitong Miyerkules.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, layunin ng hakbang na ito na protektahan ang mga lokal na magsasaka na labis na naapektuhan ng mababang presyo ng palay nitong panahon ng anihan.
Una rito , ayon sa mga magsasaka ang mababang presyo ng palay ay dahil sa patuloy na pagpasok ng mga imported na bigas.
Nauna nang iminungkahi ng Department of Agriculture ang pansamantalang suspensyon ng rice importation habang pinag-aaralan ang unti-unting pagtaas ng taripa sa imported na bigas mula 15% tungo sa 25%, bago pa ang susunod na anihan.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Joycel Panlilio, ang muling pagpapatupad ng 25% na taripa ay makakatulong upang tumaas ang presyo ng imported rice, na magbibigay-daan sa mga lokal na magsasaka na maibenta ang kanilang ani sa mas makatarungang presyo.
Gayunman, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi pa napapanahon ang pagtalakay sa pagtaas ng taripa sa imported rice.
Ayon pa kay Gomez, titignan pa kung kinakailangang gawin ang pagpapataas sa taripa subalit sa ngayon, ang desisyon ay ang suspensyon ng lahat ng rice importation sa loob ng 60 araw simula Setyembre 1.
Ginawa ng Pangulo ang kautusan matapos ang konsultasyon kasama ang mga miyembro ng Gabinete habang nasa 5-day na state visit sa India.
Samantala, sinabi ng grupo ng agrikultura na SINAG na ang naturang hakbang ay walang tunay na benepisyo para sa ating mga magsasaka.
Ito ay dahil maaaring mag-adjust lang ang mga importer at paunahin o ipagpaliban ang kanilang shipment upang malusutan ang suspensyon, lalo na’t nananatiling mababa sa 15% ang taripa.
Dagdag pa ng SINAG, walang agarang pangangailangan para sa mga bagong importasyon sa ngayon, dahil punô na ang mga bodega, kabilang ang sa NFA.











