--Ads--

Binigyang-linaw ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang mga prosesong dapat sundin upang ma-avail ang Zero-balance billing sa mga DOH Accredited Hospitals alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos sa kaniyang ika-apat na ulat sa bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Cherry Lou Molina Antonio, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na ang mga indigent na pasyente na ma-a-admit sa charity wards ng hospital ay awtomatikong makaka-avail ng Zero-balance billing na nangangahulugang wala silang babayaran sa pagamutan ni isang sentimo.

Nilinaw naman niya na saklaw ng naturang programa ang kahit na anong medical procedures gaya ng operasyon, diagnostic tests, gamot at iba pang pangangailangan ng mga pasyente sa charity wards.

Wala aniyang requirements na kakailanganin para ma-avail ang Zero-balance billing basta ang isang pasyente ay na-classify ng Social Service at na-admit sa basic at charity wards ng pagamutan.

--Ads--

Tiniyak ni Dr. Antonio na magiging komportable ang mga pasyente sa charity ward ng CVMC dahil katatapos lamang ng renovation ng mga pangunahing wards kung saan mas pinalawak at pinaganda ang mga ito upang mas maging maginhawa ang pananatili ng mga pasyente sa hospital.

Paglilinaw nito na ang mga pasyenteng ma-a-admit sa mga private rooms ay mayroon nang babayaran sa hospital subalit dahil sa sakop pa rin ito ng Philhealth Case Rates ay mababawasan pa rin ito depende sa case rates ng kanilang sakit.