Habang ipinapaliwanag ang kanyang boto pabor sa pag-archive ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, matinding batikos ang binitiwan ni Senator Imee Marcos laban kay House Speaker Martin Romualdez.
Tinawag ni Marcos na isang “dambuhalang sanggol” si Romualdez at inilarawan ang impeachment proceedings bilang isang “bonjing” — isang kaguluhan na ginagamit sa pananakot at pamumulitika ng mga taong sabik sa kapangyarihan.
Nagpanukala rin ang senadora na imbes si VP Duterte ang patalsikin, mas mainam na si Speaker Romualdez na lamang ang palitan, dahil aniya ay ito ang ugat ng kaguluhan. Dagdag pa niya, dapat ay huwag palakihin ang “buwaya” na sa murang edad pa lamang ay tila adik na sa kapangyarihan.
Pinayuhan din niya ang mga miyembro ng Kamara na igalang ang pasya ng Korte Suprema hinggil sa impeachment case at huwag umasta na tila mas mataas pa kaysa sa nasabing institusyon.
Samantala, habang nagsasalita si Sen. Marcos sa session hall, ilang mga bisita ang nagpakita ng hindi pagsang-ayon sa kanya sa pamamagitan ng “thumbs down” gesture. Kabilang sa kanila sina Akbayan President Rafaela David, Tindig Pilipinas co-convenor Kiko Aquino Dee, at apat pang indibidwal na agad namang ineskortang palabas ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).











