Ang pagbagsak ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela ay hindi lamang isang trahedya, ito rin ay isang malinaw na babala sa estado ng mga proyektong pang-imprastruktura sa bansa. Sa kabila ng modernong disenyo mula sa Japan at paunang pag-alok ng tulong para sa pre-fabrication, pinili pa rin ng ilang sektor na gawin ito nang mas mura sa Pilipinas, sa ilalim ng mas mababang pondong inilaan ng pamahalaan.
Ayon kay Governor Rodito Albano, P1.8 bilyon ang kinakailangang pondo para maisakatuparan ang disenyo ng tulay, subalit P800 milyon lamang ang inilaan ng pamahalaan. Isang napakalaking kakulangan na posibleng nag-ambag sa kahinaan ng estruktura.
Masakit isipin na sa ganitong klaseng proyekto, na ang layunin ay maghatid ng koneksyon at kaunlaran, ay maaaring nangibabaw ang pagtitipid kaysa kalidad at kaligtasan. Hindi sapat na sisihin lamang ang isang truck driver; nararapat na silipin ang kabuuang proseso mula sa disenyo, pagpopondo, pagpili ng contructor, at mismong implementasyon ng proyekto.
Kung nais talaga ng pamahalaan na maiwasan ang ganitong insidente sa hinaharap, kailangang magpatupad ng mas istriktong pamantayan sa pagpapatupad ng mga proyektong pambayan. Hindi dapat ikompromiso ang kalidad para lamang makatipid. Dapat ding magkaroon ng mas malalim na imbestigasyon upang mapanagot ang lahat ng may kinalaman sa proyekto, mula sa nag-apruba ng pondo hanggang sa aktwal na gumawa ng tulay.
Higit sa lahat, ito ay panawagan para sa tunay na transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan. Kung tunay na may malasakit sa publiko, dapat mangibabaw ang integridad sa bawat proyekto, lalo na kung buhay at kaligtasan ng mga mamamayan ang nakataya.
Panahon na para seryosohin ang aral na hatid ng pagbagsak ng tulay na ito. Hindi lang ito kasiraan ng isang istruktura, ito’y simbolo ng sistemang kailangang ayusin bago pa muling may masaktan, masawi, o mawalan ng tiwala sa kakayahan ng pamahalaang magpatupad ng makabuluhang serbisyo publiko.











