CAUAYAN CITY- Puspusan na ang ginagawang pamamahagi ng Land Transportation Office o LTO Cauayan District ng mga plaka para sa mga motorsiklong wala pa nito.
Kahapon dito sa lungsod ng Cauayan ay nagsimula nang mamahagi ang opisina sa lahat ng mga motorsiklo sa daan na wala pang plaka.
Ayon kay LTO Cauayan District Head Deo Salud, lahat ng mga hindi pa nabibigyan ng plaka ang siyang target ng opisina.
Ito ay base sa direktiba ng mga nasa taas na lahat ng mga tumatakbong sasakyan na walang plaka ay mabigayn na nito.
Ayon sa nangunguna sa LTO Cauayan District, kulang kulang isang libong plaka ang hawak nila ngayon sa opisina na ipapamigay sa motorsiklong wala pa nito.
Dagdag pa nito, nauna na rin silang namahagi ng plaka sa bayan ng Cabatauan at kahapon ay sinimulan na rin nila dito sa lungsod.
Samantala, nilinaw din ng opisyal na sa lansangan sila namamahagi ng plaka dahil sa dito dumadaan ang mga motorsita.
Aniya, kung hihintayin kasi nila na magtungo pa sa opisina ang mga ito, matatagalan ang pamamahagi dahil hanggang Oktubre lamang ang direktiba sa kanila.
Aminado rin ang opisyal na marami ang nagulat kahapon na mga motorista natin dahil sa nagkalat na mga personnel ng opisina sa lansangan.
Ayon kay District Head Salud, ang estratehiyang ito ay paraan upang mabilis na maipamamahagi ang plaka at hindi para manghuli.Ngunit kahapon aniya kaalinsabay nito ay minabuti na rin ng opisina na sitahin ang mga motoristang may mga violation.











