--Ads--

Nananawagan ang isang School Principal sa mga estudyante at magulang sa Lungsod ng Cauayan na kinakailangan pa ring i-verify ang mga nakikitang anunsyo ng suspensyon ng klase na nababasa sa social media.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. John Mina, School Principal ng Cauayan City Stand-Alone Senior High School, sinabi niya na iniiwasan nilang magkaroon ng kalituhan sa hanay ng mga estudyante, magulang, at mga guro.

Tuwing sobrang init o umuulan, marami aniyang nagtatanong kung may on-site classes pa rin ang mga estudyante kahit wala namang opisyal na direktibang nagsususpinde ng klase.

Dapat aniya ay maging wais ang lahat at huwag basta-bastang maniwala sa mga hindi beripikadong post na nababasa lamang sa social media.

--Ads--

May mga pagkakataon din aniya na lumiliban ang ilang estudyante dahil lamang sa mga nakikita nilang anunsyo ng suspensyon ng klase sa social media, kahit wala naman itong katotohanan.

Marami na aniya ngayon ang nagpapakalat ng maling impormasyon kaya’t mahalagang hintayin muna ang opisyal na abiso mula sa paaralan, Department of Education (DepEd), at Local Government Unit (LGU) upang maiwasan ang kalituhan.

Sakali mang may pagdududa sa impormasyong inilabas ng mga nabanggit na ahensya, mas mainam aniya na magpadala ng mensahe sa kanilang mga adviser.

Bukod sa paalala sa mga estudyante at magulang na huwag basta-basta maniniwala sa mga nababasa sa social media tungkol sa suspensyon ng klase, binabalaan din sila na huwag magpakalat ng maling impormasyon.