--Ads--

CAUAYAN CITY- Kumakatok sa mga may mabubuting puso ang Pamilya Rodriguez matapos tupukin ng apoy ang kanilang bahay sa Barangay Rizal, Saguday, Quirino.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Gwen Elizaga, apo ni Nanay Nelia Rodriguez na siyang may-ari ng bahay, sinabi niya na doble ngayon ang dagok sa kanilang pamilya. Kalilibing pa lamang ng kaniyang lolo dalawang linggo ang nakalipas, ngunit isa na namang napakalungkot na pangyayari ang sumalubong sa kanila.

Aniya, wala pang 40 araw mula nang pumanaw ang kaniyang lolo kaya nasa kalagitnaan pa lamang ng pagluluksa ang kaniyang lola.

Bago ang insidente kaninang umaga, nagpasya si Ginang Nelia na magluto. Subalit dahil may singaw ang kanilang tangke ng gasul, nagpunta muna siya sa kapitbahay upang doon makiluto. Sa kasamaang-palad, may naiwan palang nakasinding kandila sa loob ng bahay ni Nanay Nelia na siyang pinagmulan ng apoy.

--Ads--

Batay sa BFP Saguday, dahil sa singaw ng tangke ng gasul at sa naiwang kandila, sumiklab ang malaking sunog.

Dahil gawa sa light materials ang bahay, mabilis na kumalat ang apoy. Natupok ang buong bahay, mga personal na gamit, at maging ang perang nakatago ni Nanay Nelia. Hindi rin nakaligtas sa sunog ang isang motorsiklo at maging ang alaga nilang aso.

Humihingi ngayon ng donasyon o kahit anumang halaga ng tulong ang pamilya upang kahit papaano ay makapagsimula at makapagpagawa ng munting bahay para kay Nanay Nelia na maaari niyang masilungan.

Una na ring nagpaabot ng tulong gaya ng mga food items at bigas ang MDRRM Saguday sa biktima ng sunog.

Para sa mga donasyon, maaari kayong makipag-ugnayan kay Gwen o magpadala sa kaniyang GCash account number: 0926-2349-199.