Walang ideya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa umano’y pamumuhunan ng Government Service Insurance System (GSIS) ng ₱1 billion na pondo ng mga miyembro nito sa isang online gambling platform.
Kasunod ito ng rebelasyon ni Senator Risa Hontiveros, na inilagak umano ng GSIS sa ilalim ng pamumuno ni suspended GSIS president Jose Arnulfo Veloso ang pondo sa kumpanyang “DigiPlus,” na unang inaalok sa ₱65 kada share ngunit bumagsak na sa mahigit ₱13.
Pero ayon sa Pangulo, hindi niya alam ang issue na ito kahit sakop ito ng kanyang tanggapan.
Sa kabila nito, sinabi ng Pangulo na mas mahalaga sa gobyerno ang pagtutok sa “social cost” o pinsalang dulot ng e-gambling sa lipunan kaysa sa usaping kita o lugi.
Aminado rin ang Pangulo na patuloy na dumarami ang reklamo laban sa online gambling, dahilan para mag-organisa ang Palasyo ng isang diskusyon kasama ang simbahan, eksperto sa adiksyon, magulang, guro, at pulisya upang pag-aralan kung total ban o ibang polisiya ang mas epektibong hakbang laban sa ilegal na sugal.











