--Ads--

Isang korte sa Ireland ang nagtalaga ng isang guardian para sa isang magsasaka na ipinamigay ang halos lahat ng kanyang pera sa mahihirap, matapos umano siyang sabihan ng Diyos na mapupunta siya sa langit kung gagawin niya ito.

Ayon sa mga ulat, ipinagbili ng magsasaka, na nasa edad 40, ang kanyang ari-arian sa halagang €600,000 (katumbas ng halos P40 milyon). Sa loob lamang ng ilang linggo, mahigit kalahati na nito, o humigit-kumulang €350,000 (halos P23.3 milyon), ang naipamigay na niya.

Kabilang sa kanyang mga ginawa ay ang pagbigay ng €1,000 cash (halos P66,570) sa isang babaing palaboy. Dahil sa bilis ng paglabas ng pera sa kanyang bank account, nabahala ang Health Service Executive ng Ireland at dinala ang kaso sa korte.

Hiniling nila ang pagtatalaga ng isang “guardian ad litem”, isang independent na tao na itatalaga ng korte upang protektahan ang interes ng magsasaka mula sa kanyang sarili at sa kanyang labis na pamumudmod ng pera.

--Ads--

Sinabi sa korte na naniniwala ang magsasaka na ang pagbibigay ng lahat ng kanyang yaman ay ang tanging paraan para makarating siya sa langit. Dahil sa kanyang mga pahayag, pumayag ang korte na magtalaga ng isang guardian.

Muling didinggin ang kaso sa September. Samantala, ipinag-utos ng korte na huwag munang isapubliko ang pagkakakilanlan ng magsasaka. Ang kasong ito ay nagbubukas ng diskusyon tungkol sa kung kailan ang pagiging bukas-palad ay nagiging isang dahilan para sa pag-aalala sa mental health ng isang tao.