Sugatan ang dalawang katao matapos tumaob ang isang kolong-kolong na nawalan umano ng preno sa Sitio Villa Ancheta, Barangay Minanga, San Mariano, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSMS Rogelio Ignacio Jr., imbestigador ng San Mariano Police Station, sinabi niya na ang nasabing kolong-kolong ay minamaneho ni Jimmy Cleofe, 67-anyos, isang negosyante at residente ng Barangay Cabisera 10, Lungsod ng Ilagan.
Ayon kay Ignacio, binabagtas ng kolong-kolong ang kalsada mula Sitio Bigao patungong Poblacion nang mawalan ito ng preno. Dahil dito, bumulusok ito pababa sa palusong na bahagi ng kalsada at tumaob sa layong humigit-kumulang 15 metro.
Dahil sa insidente, nagtamo ng malubhang sugat sa ulo si Ginoong Jimmy, habang nagtamo naman ng sugat sa tuhod si Ryan Meriño, 16-anyos, residente ng Villa Imelda, Lungsod ng Ilagan.
Wala umanong sasakyang sumusunod sa mga biktima, ngunit may kasalubong umano sila.
Ayon sa driver ng kasalubong nilang chariot, malayo pa lamang ay nakita na niyang bumubulusok pababa ang kolong-kolong kaya agad siyang bumaba mula sa kaniyang sasakyan.
Napag-alaman na nagtungo ang mga biktima sa Barangay Minanga upang bumili sana ng kalabaw.
Sa kasalukuyan, nasa pagamutan pa si Ginoong Jimmy at nakatakdang ilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) para sa karagdagang atensyong medikal.
Ayon kay Dr. Janet Leonardo, duty doctor ng San Mariano Medicare Hospital, kailangang isailalim si Ginoong Jimmy sa CT scan upang matukoy kung siya ay nagkaroon ng traumatic brain injury at chest trauma dahil sa aksidente.











