Nahulog ang isang tricycle sa Alicaocao Overflow bridge sa Lungsod ng Cauayan nitong Linggo, ika-10 ng Agosto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Mauro Flores ng Barangay Alicaocao, sinabi niya na patungong East Tabacal Region ang tricycle at sumalubong umano ito sa mga tricycle na bumabagtas sa tulay patungong kasalungat na direksyon.
Dahil sa makitid ang naturang tulay ay maaari umanong hindi na-tantiya ng driver ang pagtawid lalo na at may mga kasalubong ito dahilan upang mahulog ito sa tubig. Maswerte na lamang at nakatalon kaagad ang driver nito.
Ayon kay Flores, sa mababaw na parte lang ng ilog nahulog ang tricycle subalit nagdulot pa rin ng mabigat na daloy ng trapiko ang pag-ahon dito na tumagal ng tinatayang isang oras.
Aniya, pinagsabihan na umano nila ang tricycle na huwag na munang tumuloy dahil may kasalubong itong sasakyan subalit tumuloy pa rin ito sa pagtawid.
Dahil sa pangyayari ay pinaalalahanan niya ang mga motorista pangunahin na ang mga bumabaybay sa Alicaocao Overflow Bridge na ugaliing sumunod sa mga panuntunan upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.











