Ang sunog ay isa nang matinding dagok para sa mga pamilyang nawalan ng tahanan at kabuhayan. Ngunit higit na nakapanghihinayang na sa halip na makitang nangingibabaw ang malasakit at bayanihan, may ilan pang lumapastangan sa sitwasyon, tulad ng pagnanakaw ng tanso mula sa nasunog na kable ng kuryente.
Ang ganitong gawain ay hindi lamang simpleng paglabag sa batas; ito ay malinaw na paglapastangan sa dignidad ng mga biktima at sa mismong proseso ng rehabilitasyon. Ang bawat piraso ng kable na ninanakaw ay dagdag abala, dagdag gastos, at dagdag paghihirap para sa mga residenteng naghihintay ng kuryente upang muling makapagsimula.
Tama lamang ang matinding babala ni Manila Mayor Isko Moreno na papanagutin ang mga sangkot. Ngunit hindi dapat dito magtapos. Kailangang tingnan din kung bakit nagkakaroon ng ganitong uri ng kriminalidad sa gitna ng sakuna. Kakulangan ba sa disiplina? Kakulangan sa presensya ng awtoridad? O simpleng kawalan ng malasakit ng ilan sa kapwa?
Hindi rin dapat palampasin ng mga utility companies tulad ng Meralco ang pagkakataong ito upang paigtingin ang kanilang seguridad at agarang aksyon sa mga insidente ng cable theft, lalo na sa mga lugar na apektado ng kalamidad. Sa parehong paraan, mahalaga ring maiparating sa mga komunidad na ang ganitong gawain ay hindi matatawag na “diskarte,” kundi malinaw na krimen na may mabigat na kaparusahan.
Sa panahon ng trahedya, ang inaasahan ay pagtutulungan, hindi pananamantala. Kung nais nating tunay na makaahon bilang isang komunidad, kailangang buwagin ang kultura ng pagkamakasarili at palitan ito ng kultura ng malasakit.
Ang mabilis na pag-aresto sa mga salarin ay dapat magsilbing paalala na walang makakalusot sa batas at higit sa lahat, magsilbing aral na sa bawat sakuna, higit na kailangan natin ang isa’t isa, hindi ang isa laban sa isa.











