--Ads--

Ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson ang umano’y “passing through” scheme na kinasasangkutan ng ilang mambabatas na sabay ding gumaganap bilang contractor o may kamag-anak na contractor.

Ayon sa kanya, ito ay nagiging sanhi ng overpricing at substandard na paggawa ng mga flood control at iba pang infrastructure projects.

Sa ilalim ng modus na ito, sinisingil umano ng lima hanggang anim na porsyento ng kabuuang halaga ng proyekto ang sinumang contractor na gagawa sa distrito kung saan may kontrol ang mambabatas o kamag-anak nito.

Dahil dito, nababawasan agad ang pondo para sa proyekto at napipilitan ang mga contractor na gumamit ng mas murang materyales o paikliin ang saklaw ng trabaho upang mabawi ang gastusin.

--Ads--

Ilan sa mga halimbawa ng shortcut na ginagawa ay ang pagbawas ng haba ng dike mula 150 metro na nasa plano patungong 50 metro, pagbabaw ng hukay para sa sheet piles mula anim na metro patungong tatlong metro, at hindi paghahalo ng graba at buhangin sa pundasyon.

May mga pagkakataon din na nagreresulta ito sa pagguho ng mga proyekto na nagiging sanhi ng pagkamatay ng tao.

Hinihiling ni Lacson na makita ang listahan ng mga flood control projects mula sa Department of Public Works and Highways na isinumite sa Malacañang upang matukoy kung mapaparusahan ang mga mambabatas na sangkot sakaling may sapat na ebidensya.