Binigyang-diin ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III ang kanyang direktiba na palakasin ang pagpapatupad ng five-minute response ng kapulisan sa Lambak ng Cagayan.
Ito ay matapos ang press briefing kasunod ng kanyang opisyal na pagbisita sa Regional Headquarters ng Police Regional Office 2 (PRO2) nitong Sabado, Agosto 9, 2025.
Ayon kay PGen. Torre, dapat laging alerto ang mga pulis sa pagtugon sa pangangailangan ng publiko, lalo na sa usapin ng seguridad, upang maramdaman ng mga komunidad ang mabilis at maagap na serbisyo.
Aniya, layunin niyang palawakin ang implementasyon ng five-minute response hindi lamang sa mga lungsod kundi maging sa iba’t ibang bayan sa buong bansa.
Nilinaw rin ng PNP Chief na may konsiderasyon para sa mga liblib na lugar na may limitadong komunikasyon at mahirap marating. Gayunman, binigyang-diin niya na hindi ito dapat maging hadlang sa agarang pagtugon sa mga insidente at sa presensya ng kapulisan sa mga nasabing lugar.
Muling pinaalalahanan ni PGen. Torre ang kapulisan sa rehiyon hinggil sa kanilang tungkulin na panatilihin ang seguridad, kapayapaan, at protektahan ang mamamayan laban sa krimen.
Samantala, sinalubong si PGen. Torre ng Arrival Honors na pinangunahan ni PBGen. Roy Parena, Regional Director ng PRO2.
Bukod sa pagbisita, dumalo rin si PGen. Torre sa pagdiriwang ng Pavvurulun Afi Festival 2025 sa Tuguegarao City, kung saan siya ang nagsilbing Panauhing Pandangal sa pagbubukas ng selebrasyon, alinsunod sa paanyaya ni Mayor Maila Ting-Que.











