Isang barko ng Chinese Navy ang bumangga sa isa pang Chinese Coast Guard vessel habang tinutugis ang isang patrol boat ng Pilipinas malapit sa Scarborough Shoal sa West Philippine Sea, ayon sa ulat na inilabas ng Philippine Coast Guard nitong Lunes.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, nangyari ang insidente habang nagsasagawa ng humanitarian mission ang PCG upang samahan ang mga bangkang namimigay ng tulong sa mga mangingisda sa lugar.
Ipinakita sa inilabas na video ang banggaan sa pagitan ng isang barko ng China Coast Guard at ng mas malaking barko na may nakasulat na numerong 164 sa katawan nito at kinilalang pag-aari ng People’s Liberation Army (PLA) Navy ng China.
Ayon kay Commodore Tarriela ang barkong CCG 3104 ng China Coast Guard ay mabilis na hinahabol ang BRP Suluan ng Pilipinas at nagsagawa ng mapanganib na pag maniobra mula sa kanang bahagi ng barko na nagresulta sa banggaan sa PLA Navy warship.
Dahil sa insidente, nagtamo ng malaking pinsala ang harapang bahagi (forecastle) ng CCG vessel at ito ayon kay Tarriela ay hindi na maituturing na ligtas gamitin sa paglalayag.
Samantala, hindi agad nagbigay ng pahayag ang embahada ng China sa Maynila hinggil sa insidente.
Ang banggaan ay isa lamang sa serye ng mga tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa South China Sea na bahagi ng karagatang inaangkin ng Beijing, sa kabila ng desisyong inilabas ng international tribunal na walang legal na batayan ang nasabing pag-aangkin.
Mahigit 60 porsyento ng kalakalang pandagat sa buong mundo ay dumaraan sa pinag-aagawang karagatang ito.
Ang Scarborough Shoal ay matagal nang pinagmumulan ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China mula nang angkinin ito ng China noong 2012.
Hindi pa matukoy kung may nasaktan sa insidente nitong Lunes.
Ayon pa kay Tarriela hindi tumugon ang Chinese crew sa alok na tulong ng barkong Pilipino.
Dagdag niya, bago ang banggaan, tinarget ng China ang BRP Suluan gamit ang water cannon ngunit matagumpay itong nakaiwas sa atake.











