--Ads--

Inamin ni Senate President Francis Escudero nitong Martes na tumanggap siya ng P30 milyong donasyon mula sa Centerways Construction para sa kanyang kampanya noong 2022, ngunit iginiit niyang wala siyang kinalaman sa pagkuha ng nasabing kumpanya ng malalaking flood control projects ng gubyerno.

Ginawa ni Escudero ang pahayag matapos ibunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahigit P100 bilyon, o halos 20 porsiyento ng kabuuang P545-bilyong pondo ng pamahalaan para sa flood mitigation mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025 ay napunta lamang sa 15 kontratista, kabilang ang Centerways Construction.

Bagaman kinumpirma ni Escudero na nagbigay ng lump-sum donation ang may-ari ng Centerways para sa kanyang kampanya, itinanggi niyang may koneksyon siya sa negosyo ng kumpanya.

Ani Escudero, matagal na niyang kaibigan at kakilala at matagal na ring tumutulong sa kaniya ang may-ari ng kumpanya na taga Sorsogon din at ito ay bago pa man umano lumitaw ang isyu.

--Ads--

Nang tanungin kung tinulungan ba niya ang kumpanya na makakuha ng flood control deals mula sa gobyerno habang siya ay nasa Senado na, sagot ni Escudero mas malaki pa umano ang nakuha ng Centerways noong wala siya sa Senado.

Binigyang-diin ng Senate President na hindi siya kasosyo sa negosyo ng kumpanya at iginiit na dapat ang tutukan ay ang mga opisyal ng pamahalaan na may-ari talaga ng mga kumpanyang nabigyan ng proyekto.

Giit ng senador, hindi siya kasosyo sa negosyo ng kontratista at mas makabuti umanong silipin din kung sino sa mga mambabatas at opisyal ng gobyerno ang mga tunay na kontratista at may-ari ng kumpanyang nakakuha ng mga proyekto ng gobyerno.