CAUAYAN CITY- Arestado ang isang lalaking magsasaka, sa paglabag sa dalawang magkahiwalay na kasong Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004) at RA 10591 (The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), sa Barangay Nungnungan 2, Cauayan City, Isabela.
Ang naturang suspek ay kinilalang si alyas ” Ferdy” nasa hustong gulang, may asawa, magsasaka at residente ng Brgy. Nungnungan 2, Cauayan City, Isabela.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng Cauayan Police Station, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang mag asawa na humantong sa pisikal na pang-aabuso ng suspek sa kaniyang misis.
Kaagad na nakahingi ng tulong ang biktima sa kanilang kapit-bahay at sumunod na kumunsulta sa mismong Punong Barangay ng nabanggit na lugar na siyang nag-ulat sa himpilan ng pulisya ukol sa insidente ng pang-aabuso.
Matapos matanggap ang ulat, kaagad na rumesponde ang mga miyembro ng Cauayan Police Station sa mismong lugar ng insidente. Nang sila ay makarating sa lugar, natuklasan nilang tumakas ang suspek patungo sa kanyang sakahan sa nabanggit na barangay.
Kaagad na isinagawa ang hot pursuit operation katuwang ang mga barangay officials ng nabanggit na Barangay. Pagdating nila sa nabanggit na sakahan, tumanggi ang suspek na papasukin sila sa kaniyang bahay, na naging dahilan upang pwersahin ng mga tauhan ng pulis na sirain ang kaniyang pintuan at kaagad na arestuhin ang suspek.
Habang ang kapulisan ay nasa loob ng kaniyang bahay ay napansin nila ang maliit na klase ng baril sa ilalim ng kaniyang kama.
Nakuha mula sa pag-iingat at kontrol ng suspek ang isang unit ng Cal. 45 pistol na may kasamang isang magazine na kargado ng pitong bala, anim na piraso ng basyo ng Cal. 45 at isang piraso ng plastic sachet (Ice Bag).
Dinala ang suspek sa himpilan ng Cauayan Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.











