--Ads--

Binigyang pagkilala ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Martes ang katapangan ng mga sakay ng BRP Suluan matapos silang i-harass ng mga Chinese vessel sa Bajo de Masinloc noong Lunes.

Pinangunahan ni Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang seremonya ng paggawad ng parangal na ginanap sa Pier 15, Port Area, Maynila.

Pinuri ni Gavan ang kabayanihan, tapat na paglilingkod, at sakripisyo ng mga tauhan ng PCG sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa pagbibigay ng seguridad sa teritoryo ng bansa.

Kinilala rin niya ang kontribusyon ng West Philippine Sea Group sa maayos na information operations at koordinasyon habang isinasagawa ang maritime patrol.

--Ads--

Ayon kay Gavan, pinatunayan ng mga tauhan ng PCG na sila ang pinakamatatag na tagapagtanggol ng kapayapaan sa karagatan.

Hinimok din ng opisyal ang mga ito na manatiling kalmado, propesyonal, ngunit matatag kahit sino pa ang kaharap.

May kabuuang 43 katao ang sakay ng BRP Suluan sa insidente, kabilang ang mga miyembro ng Coast Guard Medical Service (CGMED), Maritime Surveillance Team (MST2), Coast Guard Special Operations Force (CGSOF), Angels of the Sea mula sa Coast Guard Weapons, Communications, Electronics and Information System Command (CGWCEISC), Media representative at Coast Guard Public Affairs Service (CGPAS)

Noong Lunes, nagtungo sa Bajo de Masinloc ang PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para mamahagi ng ayuda sa mga lokal na mangingisda sa ilalim ng Kadiwa program. Ngunit ilang Chinese vessels ang umano’y nang-harass sa mga barkong Pilipino gamit ang water cannon, mapanganib na maniobra, at paghabol.

Ayon sa PCG, nagkaroon din ng banggaan sa pagitan ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) 164 at ng China Coast Guard (CCG) vessel 3104 habang hinahabol ang BRP Suluan. Malubhang nasira ang barko ng CCG at hindi na ito ligtas gamitin, samantalang napinsala rin ang flagpole ng BRP Suluan.

Samantala, iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi kailanman umatras ang Pilipinas mula sa anumang maritimong hamon.

Ayon sa Pangulo, hindi aniya kailanman inutusan ang alinmang barko ng bansa na umatras, o umatras sa laban dahil matapang ang mga Pilipino. Pinuri din ni Marcos ang mga unipormadong kawal ng bansa sa patuloy nilang pagtatanggol sa teritoryo.

Sa kabilang banda, muling iginiit ng Chinese Foreign Ministry ang pag-angkin ng China sa West Philippine Sea. Ayon sa tagapagsalita nitong si Lin Jian, ang hakbang ng Pilipinas ay “seryosong paglabag” sa kanilang soberanya at isang “malisyosong” aktibidad.

Hinimok ng China ang Pilipinas na “itigil ang provocation” at huwag hamunin ang determinasyon ng China na ipagtanggol ang mga inaangkin nitong karapatan.

Ang Bajo de Masinloc, kilala rin bilang Scarborough Shoal o Panatag Shoal, ay 124 nautical miles ang layo mula sa Masinloc, Zambales at bahagi ng 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Nagpapatuloy ang tensyon sa rehiyon dahil sa malawakang pag-angkin ng Beijing sa halos buong South China Sea, kabilang na ang ilang bahagi na inaangkin din ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei.

Noong 2016, nagpasya ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague pabor sa Pilipinas, iginiit na walang legal na batayan ang pag-angkin ng China. Hanggang ngayon, tinatanggihan ng China ang naturang desisyon.

Ang West Philippine Sea ay opisyal na terminong ginagamit ng gobyerno ng Pilipinas para tukuyin ang bahagi ng South China Sea na nasa loob ng ating teritoryo, kabilang ang Luzon Sea, Kalayaan Island Group, at Bajo de Masinloc.