CAUAYAN CITY- Nakatakdang mag-offer ng kursong Bachelor in Human Services ang Isabela State University – Ilagan Campus bilang bahagi ng mental health advocacy ng Institusyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Dominick Agoot, Faculty Member ng Isabela State University, sinabi niya na sa kasalukuyan ay inaantay na lamang ang ilang mga dokumento na lalagdaan ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa pamamagitan ng naturang programa ay magkakaroon ng maraming mental health professionals na aasiste sa mga indibidwal na mapangalagaan ang kanilang mental health.
Bilang isang psychologist, lumalala umano ngayon ang problema sa mental health kaya naisipan nilang mag-offer ng Bachelor In Human Services sa ISU Ilagan upang matugunan ang naturang usapin.
Ayon kay Dr. Agoot, mayroon silang partnership sa pamahalaang panlungsod ng Ilagan sa pamamagitan ng ‘Yakapin’ Center kung saan dito dumudulog ang mga indibidwal na mayroong problemang pangkaisipan.
Ang pagbibigay nila ng serbisyo sa mga nangangailangan ay mayroong kaakibat na financial assistance na mula sa City Government ng Ilagan dahil aminado siya na mahal ang gamutan para sa mga may mental health problems.








