--Ads--

Isang buwaya ang pumatay sa isang turista na naliligo sa dagat at lumangoy patungong baybayin ng Indonesia habang hawak sa bibig ang bangkay ng biktima.

Naglalangoy si Sadarwinata, 51 taong gulang, malapit sa Talise Beach sa Central Sulawesi nang bigla siyang atakihin ng mabangis na buwaya na nagtatago sa ilalim ng malinaw na tubig.

Ayon sa mga residente, nagsisigaw sila nang makita ang anino ng buwaya na mabilis na lumapit sa walang kamalay-malay na lalaki. Hindi narinig ni Sadarwinata ang mga babala dahil abala siya sa paglangoy.

Sa harap ng mga saksi, sinunggaban ng buwaya ang biktima at marahas na iwinasiwas sa gitna ng dagat.

--Ads--

Ayon sa rescue team, nakatanggap sila ng ulat ukol sa insidente bandang 7:15 ng umaga. Pagsapit ng 8:00 a.m., nagpalipad sila ng thermal drone upang subaybayan ang galaw ng buwaya at ng bangkay.

Makikita sa aerial footage ang buwaya na lumalangoy malapit sa baybayin habang hawak pa rin ang katawan ni Sadarwinata sa bibig nito.

Pahayag ni Senior Commissioner Deny Abrahams ng city police: “Ayon sa mga saksi, masyadong malapit sa buwaya ang biktima habang naliligo. Sinubukan siyang tawagin ng mga tao, pero hindi niya narinig.”

Isa sa mga miyembro ng Central Sulawesi Police Mobile Brigade Corps ang napilitang barilin ang buwaya upang mapakawalan ang katawan ng biktima.

Nakuha ng mga awtoridad ang bangkay ni Sadarwinata mula sa dagat at dinala ito sa Bhyangkara Hospital para sa post-mortem examination.

Nagpaalala ang mga pulis at conservationists sa mga bisita na maging mapagmatyag sa paglangoy sa naturang beach upang maiwasan ang kaparehong insidente.

Ang Indonesia ay tahanan ng 14 na uri ng buwaya, kabilang ang mga dambuhala at agresibong estuarine crocodiles na namumuhay sa mainit na klima ng rehiyon.

Ayon sa mga eksperto, ang mga buwaya ay napapalapit sa mga komunidad dahil sa pagkaubos ng kanilang natural habitat dulot ng labis na pangingisda, pati na rin ang pagkawala ng tirahan bunga ng mga farm development sa baybayin.

Dagdag pa rito, ang malawakang pagmimina ng tin ay nagtutulak sa mga residente na manirahan sa dating tirahan ng mga buwaya, dahilan upang mas mapalapit ang mga ito sa mga kabahayan.

Sa mga lugar kung saan ginagamit pa rin ang mga ilog para sa paliligo at pangingisda, tumataas ang bilang ng mga insidente ng pag-atake ng buwaya.