Opisyal nang itinalaga si Senador Francis “Kiko” Pangilinan bilang bagong tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, kapalit ni Senador Robin Padilla.
Sa plenary session ng Senado noong Martes, Agosto 12, pormal na tinanggap ni Pangilinan ang posisyon bilang pinuno ng isa sa pinakamahalagang komite sa Senado.
Nagpasalamat si Pangilinan sa kanyang mga kapwa senador sa tiwala, at iginiit ang kanyang layunin na pangalagaan ang mga demokratikong prinsipyo na nakapaloob sa Konstitusyon.
“Tinanggap ko ang responsibilidad na ito nang may kababaang-loob at matatag na hangarin na ipagtanggol ang mga demokratikong adhikain ng ating Saligang Batas,” ani Pangilinan.
Nangako ang senador na magsasagawa ng serye ng pampublikong konsultasyon, kasama ang mga eksperto sa konstitusyon, kinatawan ng civil society, mga grupo ng negosyo, lokal na pamahalaan, at karaniwang mamamayan. Layunin ng mga konsultasyong ito na tukuyin ang posibleng pagbabago sa mga probisyong pampulitika at pang-ekonomiya ng Konstitusyon.
Bukod sa bagong tungkulin, si Pangilinan ay kasalukuyang namumuno rin sa Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform.
Ibinahagi niyang huhugutin niya ang karanasan bilang abogado at mambabatas sa loob ng mahigit 20 taon upang gampanan ang tungkuling iniatang sa kaniya.
Papalitan ni Pangilinan si Padilla, na ngayon ay magsisilbing vice chairperson ng komite, kasama sina Senador Alan Peter Cayetano, Deputy Majority Leaders Rodante Marcoleta, at JV Ejercito.











